Takdang aralin sa Filipino (Grade 7)
MAIKLING KWENTO
Pag-aralan
| TALASALITAAN: - tila ipinagkit - parang idinikit
- paanas - pabulong
- masusulyapan - makikita
- tatangkain - susubukin
- batid - alam
- hindi makakibo – hindi makapagsalita
- sarilinin - solohin
- sumidhi - tumindi
- nakagiray - malapit ng bumagsak
- salat na salat sa marangyang kasangkapan – halos walang magandang
kasangkapan · nakaratay - nakahiga dahil sa sakit · papag - kamang yari sa kawayan o kahoy · nasilayan - nakita |
Basahin at unawain
SANDAANG DAMIT
(mula sa Pluma 7)
1. May isang batang babaing mahirap. Nag-aaral siya. Sa paaralan ay kapansin-pansin ang kanyang pagiging walang imik. Madalas ay nag - iisa siya. Lagi siyang nasa isang sulok. Kapag nakaupo na’y tila ipinagkit. Lagi siyang nakayuko, mailap ang mga mata, sasagot lamang kapag tinatawag ng guro, halos paanas pa kung magsalita.
2. Naging mahiyain siya sapagkat maaga niyang nalaman na kaiba ang kanyang kalagayan kung ihahambing sa mga kaklase. Ipinakita at ipinabatid nila iyon sa kanya. Mayayaman sila. Magaganda at iba-iba ang kanilang damit na pamasok sa paaralan. Madalas ay tinutukso siya dahil sa kanyang damit. Ang kanyang damit, kahit malinis ay halatang luma na, palibahasa ay kupas na at punung-puno pa ng sulsi.
3. Kapag oras ng kainan at labasan nag kani-kaniyang pagkain, halos ay ayaw niyang ipakita ang kanyang baon. Itatago niya sa kanyang kandungan ang pagkain, pipiraso nang kaunti, tuloy subo sa bibig, mabilis upang hindi malaman ng mga kaklase kung ano ang dalang pagkain. Sa sulok ng kanyang mata’y masusulyapan niya ang mga pagkaing dala ng kanyang mga kaklase gaya ng mansanas, sandwiches, mga imported at mamahaling tsokolate .
4. Ang panunukso ng mga kaklase ay hindi nagtatapos sa kanyang mga damit. Tatangkain nilang silipin kung ano ang kanyang pagkain at sila’y magtatawanan kapag nakita nila na ang kanyang baon ay isa lamang pirasong tinapay na karaniwa’y walang palaman.
5. Kaya lumayo siya sa kanila. Siya ay naging walang kibo at mapag -isa.
6. Ang nangyayaring ito ay batid ng kanyang ina. Pag uwi sa bahay, madalas siyang umiiyak dahil sa panunukso ng mga kaklase at siya’y nagsusumbong sa ina. Mapapakagat - labi ang kanyang ina, matagal itong hindi makakibo, at sabay haplos nito sa kanyang buhok at may pagmamahal na sasabihin sa kanya, “Bayaan mo sila, anak, huwag mo silang pansinin. Hayaan mo, kapag nagkaroon ng trabaho ang iyong ama, makapagbabaon ka na rin ng masasarap na pagkain. Maibibili rin kita ng maraming damit.”
7. At lumipas pa ang maraming araw. Ngunit ang ama ay hindi pa rin nakakuha ng trabaho kaya ganoon pa rin ang kanilang buhay. Ang bata naman ay unti-unting nakauunawa sa kanilang kalagayan. Natutuhan niyang makibahagi sa malaking suliranin ng kanilang pamilya. Natutuhan niyang sarilinin ang pagdaramdam sa panunukso ng mga kaklase. Hindi na siya nagsusumbong sa kanyang ina.
8. Sa kanyang pagiging tahimik ay ipinalagay ng kanyang mga kaklase na siya ay kanilang talu-talunan kaya lalong sumidhi ang kanilang pang-aasar. Lumang damit. Di-masarap na pagkain. Mahirap. Pilit na ipinasok nila sa kanyang isip.
9. Hanggang nang isang araw ay natuto siyang lumaban.
10. Sa buong pagtataka nila’y bigla na lamang natutong sumagot ang mahirap na batang babae na laging luma, kupas at puno ng sulsi ang damit. Ang batang babae na ang laging baon ay tinapay na walang palaman. Isa na naman iyong pagkakataong walang magawa ang kanyang mga kaklase kung hindi ang tuksuhin siya.
11. “Alam ninyo,” sabi niya sa malakas at nagmamalaking tinig, ”ako’y may sandaang damit sa bahay.”
12. Nagkatinginan ang kanyang mga kaklase. Hindi sila makapaniwala. “Kung totoo iyan ay bakit lagi na lang luma ang isinusuot mo?”
13. Mabilis ang sagot niya, “dahil iniingatan ko ang aking sandaang damit. Ayokong maluma agad.”
14. “Sinungaling ka! Ipakita mo muna sa amin para kami maniwala!” iisang sabi nila sa batang mahirap.
15. “Hindi ko madadala rito. Baka makagalitan ako ni Nanay. Kung gusto ninyo ay sasabihin ko na lang kung ano ang tabas, kung ano ang tela, kung ano ang kulay, kung may ribbon o may bulaklak.”
16. At nagsimula na nga siya sa kanyang pagkukwento. Paano ay inilalarawan niya hanggang kaliit-liitang detalye ang bawat isa sa kanyang sandaang damit. Tulad halimbawa ng isang damit na pamparti. Makintab na rosas ang tela na maraming mumunting bulaklak, bolga ang manggas, may tig-isang ribbon sa magkabilang balikat. Hanggang sakong ang haba ng damit. O kaya ay ang kanyang dilaw na pantulog na may burda. O ang kanyang puting pansimba na may malapad na sinturon at malaking bulsa.
17. Mula noon ay naging kaibigan na niya ang mga kaklase. Ngayon, siya na ang laging nagsasalita at sila ang nakikinig. Lahat sila ay natutuwa sa kanyang kwento tungkol sa sandaang damit. Nawala ang kanyang pagiging mahiyain. Naging masayahin siya bagaman patuloy pa rin ang kanyang pamamayat kahit na ngayo’y nabibigyan nila siya ng kapiraso ng kanilang baong mansanas o sandwich.
18. Isang araw, hindi pumasok sa klase ang mahirap na batang babaing may sandaang damit. Saka ng sumunod na araw at ng sumunod pang araw. Pagkaraan ng isang linggong hindi pagpasok ay nag-alala ang kanyang mga kaklase at guro.
19. Isang araw ay nagpasya silang dalawin ang batang matagal ng absent sa klase. Ang natagpuan nilang bahay ay sira-sira at nakagiray na sa kalumaan.
20. Lumabas ang isang babaing payat, iyon ang ina ng batang mahirap. Sila ay pinatuloy at nakita nila ang maliit na kabuuan ng kabahayan na salat na salat sa marangyang kasangkapan. Sa isang sulok ay isang lumang papag at doon nakaratay ang batang babaing may sakit pala. Ngunit sa mga dumalaw ay di agad ang maysakit ang napagtuunan ng pansin kundi ang mga papel na maayos na nakadikit sa dingding sa may tabi ng papag. Lumapit sila sa sulok at nakita nilang ang mga papel na nakadikit sa dingding ay yaong mga drowing ng bawat isa sa sandaang papel. Magaganda, makukulay. Naroong lahat ang kanyang naikuwento. Totoo at naroroon ang sinasabi niyang rosas na damit na pamparti. Naroroon din ang drowing ng kanyang damit pantulog, ang kanyang pansimba, ang mga sinasabi niyang pamasok sa paaralan na kailanma’y hindi nasilayan ng mga kaklase dahil ayon sa kanya’y nakatago at iniingatan sa bahay.
21. Sandaang damit na pawang drowing lamang.
Sagutin ang mga pagsasanay. Isulat sa kwaderno ang mga sagot.
PAGSASANAY 1
Panuto: Gamitin sa pangungusap ang sumusunod na mga salita. Isulat sa guhit
1.batid ________________________________________________________________
________________________________________________________________
2.sumidhi ________________________________________________________________
________________________________________________________________
3.nakaratay ________________________________________________________________
________________________________________________________________
4.nasilayan ________________________________________________________________________________________________________________________________
5.nakagiray ________________________________________________________________
________________________________________________________________
PAGSASANAY 2 (Isulat ang sagot sa kwaderno)
Panuto: Hanapin sa Hanay B ang kasalungat na kahulugan ng mga salitang nasa Hanay A. Isulat sa patlang ang titik ng sagot.
HANAY A HANAY B
_______1. lumang damit A. tapat
_______2. salat sa maraming bagay B. malaki
_______3. sinungaling na bata C. puno
_______4. kapirasong tinapay D. pasigaw
_______5. paanas na sumagot E. bago
Pag-isipan ang mga sagot (Huwag nang isulat ang sagot)
1. Ilarawan ang batang babae sa kwento. Bakit siya tinutukso ng kanyang
mga kaklase?
2. Ilarawan ang mga kaklase ng batang babae. Sa inyong palagay, bakit
ganito ang naging pag-uugali nila?
3. Ano ang naging reaksyon ng ina ng batang babae nang magsumbong sa
kanya ang anak?
4. Paano nagkaroon ng pagbabago sa buhay ng batang babae? Para sa iyo,
maituturing bang positibo ang pangyayaring ito sa kanyang buhay?
5. Sa iyong palagay, napaniwala ba ng batang babae ang kanyang mga
kaklase na mayroon siyang sandaang damit? Patunayan.
6. Paano hinarap ng batang babae ang kanyang suliranin? Kung ikaw ang
batang babae, tutularan mo ba ang ginawa niya? Bakit?
7. Paano nalaman ng mga kaklase ang lihim sa sandaang damit ng batang
babae?
8. Sa palagay mo, ano ang naramdaman ng kanyang mga kaklase nang
malaman nila ang katotohanan?
9. Kung ikaw ay kaklase ng batang babae, paano mo siya pakikitunguhan? .
10. Anong mga pangyayari sa kwento ang nangyayari sa tunay na buhay?
Ipaliwanag.
PAGSASANAY 3 (Isulat ang sagot sa kwaderno)
Panuto: Isulat sa patlang kung katotohanan o opinyon ang pangungusap
ayon sa kwento.
_______________1. Pangarap ng batang babae na makatapos ng
pag-aaral.
_______________2. Dahil sa labis na panunukso, naging mahiyain, walang
kibo at mapag-isa ang batang babae.
_______________3. Mahirap ang kalagayan sa buhay ng pamilya ng
batang babae.
_______________4. Walang ginawa ang guro sa panunukso ng mga kaklase
sa batang babae.
_______________5. Napaniwala ng batang babae ang kanyang mga
kaklase na mayroon siyang sandaang damit.
_______________6. May sakit na tuberkulosis ang batang babae.
_______________7. Namatay ang batang babae.
_______________8. Panay lamang pala drowing ang sandaang damit.
Pagsasanay 4 (Isulat ang sagot sa kwaderno)
Panuto: PIliin ang titik ng pinakatamang sagot.
1. Ano ang damdamin ng ina ng batang babae kapag nakikita niyang umiiyak
ang kanyang anak dahil sa panunukso ng mga kaklase.
A. tuwa C. takot
B. awa D. inis
2. Ano ang ginawa ng batang babae para hindi siya tuksuhin ng mga kaklase?
A. Nagpamigay siya ng magagandang damit.
B. Inimbita niya sa bahay nila ang mga kaklase.
C. Binigyan niya ng pera ang mga kaklase.
D. Sinabi niyang mayroon siyang sandaang damit.
3. Ano ang pangunahing ideya na ipinahahayag sa talata # 1?
A. May isang batang babaing mahirap walang kibo at mahiyain.
B. May isang batang babae na laging tinutukso ng mga kaklase.
C. May mga mag-aaral na mahilig manukso ng isang kaklase.
D. May isang mahirap na batang babae na nais makapag-aral
4. Ano ang pangunahing ideya na ipinahahayag sa talata 16?
A. Ang baong mga pagkain ng batang babae
B. Ang iba’t ibang damit ng batang babae
C. Ang bahay na tinitirhan ng batang babae
D. Ang ina at ama ng batang babae
5. Kung naging mayaman ang batang babae, ano ang maaaring mangyari?
A. Patuloy siyang tutuksuhin dahil sa mga luma at puro sulsi niyang
damit.
B. Wala siyang pambili ng masasarap na pagkaing pambaon sa
paaralan.
C. Hindi siya tutuksuhin ng mga kaklase dahil sa kanyang baon at mga
damit.
D. Hindi na siya pag-aaralin ng kanyang mga magulang sa paaralan.
6 . Kung magbibigay ng panibagong wakas ng kwento, anong wakas ang
nagpapakita ng positibong pagbabago?
A. Dadating ang ama ng batang babae at magagalit sa mga kaklase
nito.
B. Tutulungan ng mga kaklase ang batang babe para magpagamot.
C. Hindi na nila babatiin ang batang babae dahil niloko sila nito.
D. Palalayasin ng ina ang mga kaklase ng anak.
7. Batay sa kwento, anong suliranin ang malalim na tinatalakay rito?
A. kalidad ng edukasyon
B. kalusugan ng mga mamamayan
C. kakulangan ng trabaho
D. diskriminasyon sa mahihirap
PAGSASANAY 5 (Isulat ang sagot sa kwaderno)
Panuto: Ayusin ang mga pangyayari ayon sa kwento. Isulat ang bilang 1-7.
_______Nag-alala ang guro at mga kaklase sa di-pagpasok ng batang
babae.
_______Naging masayahin ang siya kahit patuloy pa rin ang kanyang
pagpayat.
_______Naging mahiyain ang batang babae dahil nalaman niya na kaiba ang
kanyang kalagayan sa mga kaklase.
_______Dahil sa walang sawang panunukso ng mga kaklase, siya ay lumayo
sa kanila, mapag-isa at walang kibo.
_______Ikinuwento ng batang babae na siya ay may sandaang damit.
_______Nasilayan ng kanyang mga kaklase ang mga larawan ng mga damit
na maayos na nakadikit sa kanilang dingding.
_______Natutong lumaban ang batang babae.
Humanda sa talakayan sa pagbalik sa paaralan.